Psalms
Chapter 74
Prayer para sa Bayan
1 O Diyos ko, bakit mo kami pinabayaan nang ganito?
Forever ka bang magagalit sa sariling bayan mo?
2 Isipin mo ang bayang pinili mo nung una pang panahon.
Di ba inalis mo sila sa pagiging alipin para maging bayan mo?
Isipin mo din ang Mt. Zion kung saan ka tumira.
3 Puntahan mo at tingnan ang matinding pagkasira,
winasak ng mga kaaway ang buong Temple, wala nang natira!
4 Nagsigawan sa Temple mo ang mga kaaway,
dinisplay pa ang mga flag nila, pinagyayabang na panalo sila.
5 Mula sa pintuan, winasak nila lahat,
para silang nagsibak ng mga puno sa gubat.
6 Sinira nila lahat ng kahoy na may design,
minartilyo nila at pinalakol.
7 Sinunog nila ang iyong Temple,
binastos nila ang lugar kung saan ka wino-worship.
8 Sabi nila, “Wasakin natin sila! Wala tayong ititira!”
Tapos sinunog nila lahat ng lugar kung saan kami sumasamba.
9 Wala na kaming nakikitang mga himala,
wala na ding mga prophet,
walang nakakaalam kung hanggang kelan ito magtatagal.
10 O Diyos ko, hanggang kelan ka pagtatawanan ng mga kalaban?
Panlalait sayo, di na ba nila titigilan?
11 Bakit ayaw mo kaming tulungan?
Gamitin mo ang kanang kamay mo, ipaglaban mo kami!
12 Pero ikaw na ang hari namin, O Diyos, simula pa nung una,
maraming beses mo kaming niligtas dito sa mundo.
13 Sa iyong lakas, pinaghiwalay mo ang mga tubig,
winasak mo ang mga ulo ng halimaw sa dagat.
14* Dinurog mo ang mga ulo ng halimaw na Leviathan,
pinakain mo ang katawan nya sa mga creatures sa desert.
15 Yung tubig sa mga springs at batis, ikaw ang nagpadaloy,
ginawa mong tuyong lupa ang mga ilog na malakas ang agos.
16 Crineate mo ang umaga, ganun din ang gabi,
nilagay mo sa lugar nila ang sun, moon, at stars.
17 Ikaw ang nag-set ng mga boundary sa mundo,
pati ang summer at winter, ikaw ang gumawa nito.
18 Pero Lord, wag mong kalimutan, nilalait ka ng mga kaaway mo,
di sila nag-iisip, binabastos pa ang pangalan mo.
19 Wag mong iwanan forever ang kawawa mong bayan,
para syang kalapating walang laban,
sa mababangis na hayop wag mo syang pabayaan.
20 Yung kasunduan natin, Lord, wag mong kalimutan.
Bawat madilim na sulok sa lupain, puno ng karahasan.
21 Wag mong hayaang bumalik na napahiya ang mga inaapi,
ang mga dukha at mahihirap, hayaan mong sayo magpuri.
22 O Diyos, kumilos ka, ipakita mong tama ka!
Tandaan mo, maghapon kang pinagtatawanan ng masasama.
23 Sigaw ng mga kaaway mo, wag mong kalimutan,
grabeng mga insulto, ayaw nilang tigilan!

Footnotes


74:14 + LEVIATHAN: Sa mga alamat, symbol ito ng gulo at pagkawasak.