Genesis
Chapter 50
1 Niyakap ni Joseph ang tatay nya, umiyak sya at kiniss nya ito sa pisngi. 2 Tapos inutos ni Joseph na embalsamuhin ang bangkay ng tatay nya. 3 Inabot yun ng 40 days, kasi ganun katagal mag-embalsamo. Seventy days nagluksa ang mga Egyptians.
4 Nung tapos na silang magluksa, sinabi ni Joseph sa mga officials ng hari, “Pakisabi ito sa hari, 5 ‘Bago mamatay si tatay, binilin nya sa akin na sa Canaan ko sya ilibing, dun sa libingang hinanda nya. Please, payagan nyo po akong umalis at ilibing dun ang tatay ko, tapos babalik ako dito.’”
6 Sumagot ang hari, “Sige, pumunta ka na dun at ilibing ang tatay mo, tuparin mo ang promise mo sa kanya.”
7 Umalis nga si Joseph para ilibing ang tatay nya. Kasama nya ang lahat ng officials ng hari, pati lahat ng matataas na leader sa palasyo at sa buong Egypt. 8 Kasama din nyang pumunta ang pamilya nya, mga kapatid at lahat ng kamag-anak ng tatay nya. Ang naiwan lang sa Goshen ay ang mga bata, mga tupa, kambing at mga alaga nilang hayop. 9 May mga pumunta ding nakakarwahe at nakakabayo. Sobrang dami nila.
10 Pagdating nila sa isang lugar sa Atad, sa east ng Jordan, umiyak sila nang umiyak. Ni-lead ni Joseph ang pitong araw na pagluluksa para sa tatay nya. 11* Nung makita ito ng mga taga-Canaan, sabi nila, “Grabe palang magluksa ang mga Egyptians!” Dahil dito, tinawag ang lugar na yun na Abel-mizraim.
12 Sinunod nga ng mga anak ni Jacob ang inutos sa kanila ng tatay nila. 13 Dinala nila sa Canaan ang bangkay at nilibing sa kweba ng Machpelah, sa east ng Mamre, dun sa bukid na binili ni Abraham kay Ephron na Hittite para gawing libingan. 14 After nyang ilibing ang tatay nya, bumalik si Joseph sa Egypt kasama ang mga kapatid nya at ang lahat ng mga nakipaglibing.
Kinomfort ni Joseph ang mga Kapatid Nya
15 After malibing ang tatay nila, sinabi ng mga kapatid ni Joseph, “Paano kung galit pa sa atin si Joseph at gusto nyang gumanti sa lahat ng masamang ginawa natin sa kanya?” 16 Kaya nagpadala sila ng message kay Joseph at sinabi, “Bago namatay si tatay, kinausap nya kami. 17 Sabi nya patawarin mo kami sa mga kasalanan namin sayo. Kaya sana mapatawad mo kaming mga servants ng Diyos ng tatay mo.” Umiyak si Joseph nung marinig yun.
18 Tapos pumunta sila kay Joseph at nag-bow sa kanya, “Nandito kami ngayon, mga alipin mo.”
19 Pero sabi ni Joseph, “Wag kayong matakot, hindi naman ako Diyos. 20 Oo, masama nga ang ginawa nyo sa akin, pero binaliktad yun ng Diyos at ginawang mabuti, para maraming buhay ang maligtas gaya ng nangyari ngayon. 21 Kaya wag kayong matakot, akong bahala sa inyo pati sa mga anak nyo.” Sa sinabing yun ni Joseph, naging panatag sila.
Ang Pagkamatay ni Joseph
22 Sa Egypt nga tumira si Joseph kasama ang angkan ng tatay nya. Umabot sya ng 110 years old. 23 Nakita pa nya ang mga apo ni Ephraim. Naabutan din nya yung mga apo nya kay Machir na anak ni Manasseh, kasama sila sa pamilya nya. 24 Sinabi ni Joseph sa mga kapatid nya, “Malapit na akong mamatay, pero wag kayong mag-alala, tutulungan kayo ng Diyos na makaalis sa lugar na ito, at ibabalik nya kayo sa lugar na pinangako nya kina Abraham, Isaac, at Jacob.” 25 After nun, pinasumpa ni Joseph ang mga Israelites, sabi nya, “I-promise nyo sa akin, pag dinala na kayo ng Diyos sa lupang yun, isama nyo din ang mga buto ko.” 26 So, namatay si Joseph sa Egypt, sa edad na 110. Inembalsamo ang katawan nya at nilagay sa kabaong.

Footnotes


50:11 + ABEL-MIZRAIM: Katunog nito yung Hebrew word para sa “nagluksa ang mga Egyptians.”