Genesis
Chapter 49
Bliness ni Jacob ang mga Anak Nya
1 Pinatawag ni Jacob ang mga anak nya at sinabi, “Magsama-sama kayong lahat at sasabihin ko ang magiging future nyo.
2 “Lumapit kayo sa akin, mga anak ko,
makinig kayo sa tatay nyo.
3 “Reuben, ang panganay ko, una kong anak,
bunga ng aking lakas,
pinakamagaling at pinakamalakas sa lahat.
4 Para kang rumaragasang tubig,
sa mga kapatid mo, hindi ikaw ang mamumuno,
dahil dangal ng tatay mo, nilagay sa malaking kahihiyan,
dinumihan ang aking higaan, asawa ko ay sinipingan.
5 “Kayong magkapatid, Simeon at Levi,
ginamit nyo ang mga sandata sa karahasan.
6 Hindi ako sasali sa pasikreto nyong usapan,
ni makiki-join sa mga meeting nyo.
Sa tindi ng galit, pumatay kayo ng mga tao,
pati mga hayop pinipilay nyo.
7 Sa tindi ng galit nyo susumpain kayo,
sobrang sama ng ginawa nyo.
Paghihiwa-hiwalayin ko kayo sa buong lupain,
ikakalat ko kayo sa buong Israel.
8 “Ikaw naman, Judah, pupurihin ka ng mga kapatid mo,
ang mga kamay mo, nasa leeg ng mga kaaway mo,
yuyuko sayo ang mga kapatid mo.
9 Judah, para kang mabangis na lion,
matapos pumatay, bumabalik sa lungga.
Para kang lion na tahimik na nagpapahinga,
walang lalapit sayo para istorbohin ka.
10 Hindi maaalis ang authority ni Judah,
laging maghahari ang lahi nya.
Maghahandog sa kanya ang mga bansa,
silang lahat, susunod sa kanya.
11 Tinali nya ang batang donkey
sa pinakamagandang puno ng kanyang ubasan,
lalabhan nya ang damit nya sa alak.
12 Mamumula ang mga mata nya sa kakainom ng alak,
puputi ang mga ngipin sa kakainom ng gatas.
13 “Ikaw, Zebulun, titira ka malapit sa dagat,
sa pampang mo hihinto ang mga barko,
aabot hanggang Sidon ang lupain mo.
14 “Ikaw naman, Issachar, para kang malakas na donkey,
pero nandun ka lang, nakahiga sa kulungan.
15 Nakakita ka ng magandang pahingahan,
at lupa na magandang taniman.
Kaya pinasan mo sa balikat ang mabigat na dalahin,
sapilitan kang pinagtrabaho gaya ng alipin.
16 “Magiging leader naman si Dan ng bayan nya,
gaya ng ibang tribes ng Israel.
17 Mabangis syang ahas sa tabi ng daan,
nakakalason na ahas na nasa daanan,
tutuklaw sa paa ng kabayong dadaan,
para mahulog yung taong nakasakay.
18 “Hihintayin ko, Lord, ang pagliligtas mo.
19 “Lulusubin si Gad ng mga grupo ng magnanakaw,
pero lalaban sya at hahabulin nya sila.
20 “Sa lugar ni Asher, sobrang sarap ng pagkain,
sya ang magbibigay ng pagkaing pang-hari.
21 “Si Naphtali, malayang tatakbo na parang usa,
dala-dala nya ang magandang balita.
22* “Si Joseph, parang mabangis na donkey sa tabi ng bukal,
gaya ng mailap na batang donkey na nasa bundok.
23 Lulusubin sya ng malupit nyang kaaway,
titirahin sya ng pana, wala silang patawad.
24 Pero matatag pa rin ang pana nya,
pati mga braso nya, ubod ng lakas.
Dahil ito sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob,
ang Shepherd, ang Tagapagtanggol ng Israel.
25 Ang Diyos ng tatay mo ang tutulong sayo,
ang Makapangyarihang Diyos ang magbe-bless sayo.
Bibigyan ka ng blessing na ulan galing sa langit,
at tubig na galing sa ilalim ng lupa,
maraming alagang hayop at maraming anak.
26 Ang mga ani at mga bulaklak ay pararamihin,
sobrang dami, mas mataas pa sa mga bundok.
Makamit sana ni Joseph ang mga blessing na ito,
sya na binukod sa mga kapatid nya.
27 “Si Benjamin, parang mabangis na wolf,
araw-gabi syang pumapatay at nananakmal ng kaaway.”
28 Ito ang 12 tribes ng Israel. Ganun nga sila bliness ng tatay nila at isa-isa silang nakatanggap ng blessing na para talaga sa kanila.
Namatay at Nilibing si Jacob
29 Tapos binilin ni Jacob sa mga anak nya, “Malapit na akong mamatay at makakasama ko na ang mga ninuno ko. Dun nyo ako ilibing sa kwebang pinaglibingan ng mga magulang ko, sa bukid ni Ephron na Hittite. 30 Nasa Machpelah yun, sa east ng Mamre, sa Canaan. Binili yun ni Abraham kay Ephron para gawing libingan. 31 Dun nilibing si Abraham at ang asawa nyang si Sarah, pati sina Isaac at ang asawa nyang si Rebecca. Dun ko din nilibing si Leah. 32 Binili ni Abraham ang bukid at kweba na yun sa mga Hittites.” 33 After magbilin ni Jacob sa mga anak nya, humiga sya at namatay.

Footnotes


49:22 + Si Joseph…bundok: o kaya Si Joseph ay parang puno sa ilog, mabungang puno na lagpas sa pader ang mga sanga.