Genesis
Chapter 37
Si Joseph at ang mga Kapatid Nya
1 Sa Canaan tumira si Jacob, kung saan tumira ang tatay nya. 2 Ito yung kwento ng pamilya ni Jacob.
Nung 17 years old si Joseph, nag-aalaga sya ng mga tupa at kambing nila. Kasama nya yung mga kuya nya sa side nina Bilhah at Zilpah, na mga asawang-lingkod ng tatay nya. Lagi nyang sinusumbong sa tatay nya yung masasamang ginagawa ng mga kuya nya.
3* Mas mahal ni Jacob si Joseph kesa sa ibang mga anak nya, kasi matanda na sya nung pinanganak si Joseph. Ginawan pa nga nya ito ng mahabang damit na may manggas. 4 Nung mapansin ng mga kapatid ni Joseph na mas mahal sya ng tatay nila, nagalit ang mga ito at di na nila kinakausap nang maayos si Joseph.
5 Isang gabi, nanaginip si Joseph. Nung kinwento nya yun sa mga kapatid nya, lalo silang nagalit sa kanya. 6 Sabi nya, “Alam nyo ba, nanaginip ako. 7 Nasa bukid daw tayo, nagtatali ng trigo. Tapos, biglang tumayo yung tinali kong trigo. Yung mga tinali nyo naman, pumwesto paikot sa trigo ko, saka yumuko.”
8 “So, anong ibig mong sabihin? Maghahari ka, tapos ikaw ang susundin namin?” tanong nila. Dahil sa kinwento nyang panaginip, lalo pa silang nagalit sa kanya.
9 Tapos, nanaginip ulit si Joseph at kinwento nya ito sa mga kapatid nya, sabi nya, “Alam nyo ba, nanaginip ulit ako. Nakita ko yung araw, buwan at saka eleven na stars na yumuko sa akin.”
10 Kinwento nya din ito sa tatay nya, pero pinagalitan sya nito, “Anong ibig mong sabihin? Palagay mo ba yuyuko kami ng nanay mo at ng mga kapatid mo sayo?” 11 Nagngitngit sa galit yung mga kapatid ni Joseph, pero di nawala sa isip ni Jacob ang panaginip na yun.
Binenta si Joseph at Dinala sa Egypt
12 Isang araw, pumunta sa Shechem ang mga kapatid ni Joseph para pakainin at bantayan ang mga alagang hayop ng tatay nila. 13 Sinabi ni Jacob kay Joseph, “Puntahan mo yung mga kapatid mo sa Shechem, nagpapastol sila dun ng mga alaga nating hayop.”
“Sige po,” sagot ni Joseph.
14 Sabi ng tatay nya, “Umalis ka na at tingnan mo kung okay lang yung mga kapatid mo at mga alaga natin, tapos bumalik ka dito at balitaan mo ako.” Umalis nga si Joseph mula sa Hebron Valley at dumating sa Shechem.
15 Habang naglalakad sya sa bukid, nakita sya ng isang lalaki at tinanong sya nito, “Anong hinahanap mo?”
16 “Hinahanap ko yung mga kapatid ko na nag-aalaga ng mga hayop,” sagot nya. “Alam mo ba kung nasaan sila?”
17 Sabi ng lalaki, “Umalis na sila dito. Narinig ko, pupunta daw sila sa Dothan.” Kaya pumunta si Joseph sa Dothan at nakita nya dun ang mga kapatid nya.
18 Malayo pa lang, nakita na si Joseph ng mga kapatid nya. Pero bago pa sya makalapit, napagkaisahan na ng mga kapatid nya na patayin sya. 19 Sabi nila, “Ayan na yung mahilig managinip. 20 Tara, patayin natin sya, tapos itapon natin sya sa tuyong balon. Sabihin na lang natin na pinatay sya ng mabangis na hayop. Tingnan natin kung magkatotoo pa ang mga panaginip nya!”
21 Narinig sila ni Reuben, kaya tinry nyang i-save si Joseph. Sabi nya, “Wag natin syang patayin. 22 Ihulog na lang natin sya sa balon dito sa desert pero wag natin syang saktan.” Sinabi nya ito kasi plano nyang iligtas si Joseph at iuwi sa tatay nila. 23 Pagdating ni Joseph, pwersahan nilang hinubad yung damit nya na may mahabang manggas, 24 tapos hinulog sya sa tuyong balon.
25 Pagkatapos nun, naupo sila at kumain. May nakita silang grupo ng Ishmaelites galing Gilead. Yung mga camel nila ay may mga kargang pampalasa ng pagkain at mga ingredients sa paggawa ng pabango na dadalhin sa Egypt. 26 Sabi ni Judah sa mga kapatid nya, “May mapapala ba tayo pag pinatay natin sya at tinago natin kung paano sya namatay? 27 Ganito na lang, ibenta natin sya sa mga Ishmaelites at wag na nating saktan, kasi kapatid pa rin natin sya, kadugo natin yan.” Nag-agree silang lahat. 28 Pagdaan ng mga negosyanteng Midianites, hinila ng magkakapatid si Joseph palabas ng balon at binenta sa mga Ishmaelites sa halagang 20 pirasong silver. Tapos, sinama sya ng mga Ishmaelites sa Egypt.
29 Pagbalik ni Reuben sa balon, wala na dun si Joseph. Sa sobrang lungkot nya, pinunit nya ang kanyang damit. 30 Bumalik sya sa mga kapatid nya at sinabi, “Wala na dun yung bata! Ano na ang gagawin ko?”
31 Tapos pumatay sila ng kambing at nilagyan ng dugo nun yung damit ni Joseph. 32 Dinala nila yung damit sa tatay nila at sinabi, “Nakita namin ito, damit po ba ito ng anak nyo?”
33 Nakilala ni Jacob yung damit at sinabi, “Oo, sa kanya nga ito! Pinatay at nilapa ng mabangis na hayop ang anak ko! Sigurado akong nagkapira-piraso na ang katawan nya.” 34 Sa sobrang lungkot, pinunit ni Jacob ang suot nya at nagdamit sya ng sako. Matagal syang nagluksa para sa anak nya. 35 Pinuntahan sya ng lahat ng mga anak nyang lalaki at babae para i-comfort, pero hindi nya sila pinansin. Sabi nya, “Magluluksa ako para sa anak ko hanggang sa mamatay ako.” At hindi nga sya tumigil sa pagluluksa para sa anak nyang si Joseph.
36 Dun naman sa Egypt, binenta ng mga Midianites si Joseph kay Potiphar na isa sa mga officials ng hari at kapitan ng mga guard sa palasyo.

Footnotes


37:3 + mahabang damit na may manggas: o damit na mahaba at makulay.