ROMANS
Chapter 5
Matuwid sa Harap ng Diyos
1 Ngayong tinuring na tayong matuwid sa harap ng Diyos dahil sa faith natin, maayos na ang relationship natin sa Diyos dahil sa Panginoon nating si Jesus Christ. 2 Dahil sa kanya, nararanasan natin ang sobrang kabaitan ng Diyos sa buhay natin ngayon. Kaya nga, natutuwa tayo sa pag-asang magkakaroon tayo ng share sa kadakilaan ng Diyos. 3 Hindi lang yan, natutuwa rin tayo kahit na may mga problema tayo, kasi pag nahihirapan tayo, natututo tayong magtiis. 4 Dahil sa pagtitiis, nagiging matibay ang character natin, at nagbubunga to ng pag-asa. 5 Hindi tayo binibigo ng pag-asang to, kasi binuhos na ng Diyos ang pagmamahal nya sa mga puso natin, sa tulong ng Holy Spirit na binigay nya sa atin.
6 Kasi nung mahina pa tayo, namatay si Christ para sa mga masasama, sa panahong pinili ng Diyos. 7 Walang gustong mamatay para sa taong matuwid, mahirap yan. Pero para sa mabuting tao, posibleng may sumubok pang magbuwis ng buhay. 8 Pero pinakita ng Diyos kung gaano nya tayo kamahal. Mga makasalanan pa tayo nung namatay si Christ para sa atin! 9* At hindi lang yan! Ngayong tinuring na tayong matuwid ng Diyos dahil sa dugo ni Christ, maliligtas din tayo sa galit ng Diyos. 10 Kahit kaaway tayo ng Diyos dati, ginawa nya tayong mga kaibigan kasi namatay ang Anak nya para sa atin. Ngayong kaibigan na tayo ng Diyos, mas siguradong maliligtas tayo dahil sa buhay ni Christ. 11 At ito pa, masaya tayo sa ginawa ng Diyos sa tulong ng Panginoon nating si Jesus Christ, kasi dahil sa kanya, naging kaibigan na tayo ng Diyos.
Si Adam at si Christ
12 Pumasok ang kasalanan sa mundo dahil sa isang tao, at kasama nitong pumasok ang kamatayan. Kaya kumalat ang kamatayan sa lahat ng tao kasi nagkasala ang lahat. 13 Meron nang kasalanan sa mundo bago pa binigay ang Law, pero kung walang batas, walang basehan kung ano ang kasalanan. 14 Pero simula nung time ni Adam hanggang sa time ni Moses, naghari na ang kamatayan sa lahat ng tao, kahit dun sa mga nagkasala na di naman kagaya ng kasalanan ni Adam nung di nya sinunod ang Diyos.
Si Adam ay image ng isang taong dadating.
15 Pero hindi sila pareho kasi magkaiba ang regalo ng Diyos at ang kasalanan ni Adam. Marami ngang namatay dahil sa kasalanan ni Adam, pero mas malaki pa dyan ang kabaitan ng Diyos. At mas malaki rin dyan ang regalo nya sa maraming tao, binigay nya yun dahil sa kabutihan ng isang tao, si Jesus Christ yun. 16 Magkaiba ang regalo ng Diyos at ang kasalanan ni Adam. Dahil kasi sa kasalanang yun, jinudge ng Diyos ang mga tao na “Guilty,” pero after ng napakadaming kasalanan ng mga tao, binigay ng Diyos ang regalong di nila deserve at sinabi nyang, “Hindi kayo guilty.” 17 Totoong dahil sa kasalanan ng isang tao, naghari ang kamatayan. Pero mas malaki ang naging epekto ng ginawa ng isang taong si Jesus Christ! Dahil kay Christ, lahat ng tumanggap ng sobra-sobrang kabaitan ng Diyos at ginawang matuwid sa harap nya, lahat sila, magiging matagumpay sa buhay.
18 So, kung naparusahan man ang lahat dahil sa kasalanan ng isang tao, pinalaya naman ang lahat at binigyan ng buhay dahil sa matuwid na ginawa ng isang tao. 19 Naging makasalanan ang lahat kasi hindi sumunod ang isang tao, pero gagawing matuwid ang lahat sa harap ng Diyos dahil sa pagsunod ng isang tao.
20 Nung dumating ang Law, dumami ang mga kasalanan, pero nung dumami ang kasalanan, naging sobra pa ang kabaitan ng Diyos. 21 Kaya kung paanong naghari ang kasalanan dahil sa kamatayan, ganun din naghahari ang sobrang kabaitan ng Diyos dahil sa katuwiran. Dinadala tayo nito sa buhay na walang hanggan dahil kay Jesus Christ na Panginoon natin.

Footnotes


5:9 + dahil sa dugo ni Christ: o dahil sinacrifice ni Christ ang buhay nya.